-- Advertisements --

Bumaba sa pinakamababang antas mula pa noong Agosto 2022 ang mga interest rates sa bansa matapos muling magtapyas ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ng 25 basis points ngayong Huwebes.

Ito na ang ikaanim na magkakasunod na pagkakataon na nagpatupad ng bawas-interes ang Monetary Board ng BSP bilang bahagi ng kanilang patuloy na policy easing cycle.

Dahil sa panibagong tapyas, nasa 4.25% na lamang ang target reverse repurchase rate, 3.75% ang overnight deposit rate, at 4.75% naman para sa overnight lending rate.

Ayon kay BSP Governor Eli Remolona Jr., isinagawa ang hakbang dahil nananatiling kontrolado ang pangkalahatang paggalaw ng presyo ng mga bilihin sa bansa, sa kabila ng inaasahang bahagyang pagtaas nito dahil sa mga isyu sa suplay.

Tiwala ang opisyal na mapapanatili ang katatagan ng ekonomiya sa mga darating na taon.