-- Advertisements --

Nagpaalala ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa lahat ng BSP-Supervised Financial Institutions (BSFIs) na palakasin ang kanilang mga hakbang laban sa money laundering, terrorism financing, at proliferation financing kaugnay ng mga kliyenteng sangkot sa casino junket operations (CJO).

Ang CJOs ay mga kumpanya o indibidwal na nag-aayos ng gaming-related services para sa mga high-value patrons, kabilang ang travel arrangements, pagpapahiram ng kredito, at booking ng mga gaming room.

Sa inilabas na guidance paper na pinamagatang “Risk Management Practices for Customers Engaged in Casino Junket Operations”, naglatag ang BSP ng mga panuntunan upang maiwasan ang paggamit ng BSFIs bilang daluyan ng ilegal na gawain gaya ng money laundering, terrorism financing, at iba pa.

Kabilang sa mga tinukoy na red flags ang hindi pangkaraniwang galaw ng pera, komplikadong ownership structures ng mga corporate clients, at layered transactions. Binanggit ng BSP na ang mga transaksyong may kaugnayan sa CJOs ay may mataas na panganib na magamit sa money laundering.

Inirekomenda ng dokumento ang pagpapatibay ng risk management sa limang pangunahing larangan: pamamahala ng board at senior management, pagpapatupad ng money laundering at terrorism financing prevention program, masusing client acceptance at identification, tuloy-tuloy na monitoring at suspicious transaction reporting, at regular na self-assessment at training.

Itinampok din ng BSP ang mga umiiral na best practices gaya ng enhanced due diligence para sa high-risk clients, automated transaction monitoring, client link analysis, independent verification sa regulatory agencies, at pakikilahok sa information-sharing initiatives.

Binigyang-diin ng BSP na mahalaga ang information sharing sa pagitan ng mga supervising authorities, partikular ang BSP at Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), kasama ang BSFIs, upang mas epektibong mapangasiwaan ang mga panganib.

Ang naturang guidance paper ay nakabatay sa pagsusuri ng BSP sa piling mga bangko na may exposure sa CJOs at junket players’ transactions.