-- Advertisements --

Mariing itinanggi ni Department of Health (DOH) Secretary Jose “Brix” Pujalte Jr. ang mga akusasyon na siya ay madalas magpunta sa mga casino para magsugal.

Ayon sa opisyal na pahayag ng kagawaran, ang kaniyang pagbisita sa isang hotel kamakailan ay para sa isang opisyal na pagpupulong at hindi para sa personal na libangan.

Nilinaw rin ni Sec. Pujalte na noong Hulyo 20, nagtungo siya sa isang hotel sa Sorsogon para sa isang official meeting kasama ang mga lokal na opisyal ng Masbate at Sorsogon.

Tanging ang pagbibigay aniya ng tulong sa mga pampublikong ospital sa Bicol region ang pinag-usapan sa naturang pagtitipon.

Tinawag naman ng kalihim na isang kasinungalingan o “demolition job” ang kumakalat na liham upang masira ang kaniyang kredibilidad bilang bagong pinuno ng DOH.

Una rito, isang grupo na nagpakilalang “Concerned Citizens” ang nagsumite ng letter-complaint sa Presidential Complaint Center (PCC) sa Malacañang ngayong Biyernes, Hulyo 31, 2026.

Pinaratangan ng complainants si Pujalte na madalas umanong nagsusugal sa Okada Manila at Solaire Resort & Casino.

Inakusahan din siya ng paggamit ng mga pekeng pangalan tulad ng “Louis Santos” at “Louis Santoss” upang hindi siya makilala ng publiko.

Ayon sa mga nagrereklamo, ang kaniyang umano’y pagsusugal ay paglabag sa Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees (RA 6713) at Presidential Decree 1869, na nagbabawal sa mga opisyal ng gobyerno na pumasok at maglaro sa mga casino.

Sa kabila nito, tiniyak ng DOH sa publiko na nananatiling nakatutok si Sec. Pujalte at ang buong kagawaran sa paghahatid ng de-kalidad na serbisyong pangkalusugan sa bansa.