-- Advertisements --

Ipinahayag ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang kanilang pagsuporta sa desisyon ng ilang bangko na bawasan o alisin ang singil sa interbank digital transactions.

Layunin ng hakbang na ito na gawing mas abot-kaya at mas madali para sa mga Pilipino ang paggamit ng electronic fund transfers.

Ang naturang desisyon ay tugon sa BSP Circular No. 1238 na inilabas noong nakaraang buwan, na nag-aatas sa mga bangko na ibaba ang transfer fees hangga’t maaari at maging handa sa pagbibigay ng cost analysis kung kinakailangan.

Ayon kay BSP Governor Eli M. Remolona, Jr., ang mas mababang transaction costs ay makatutulong sa mas mabilis na paglaganap ng digital payments at pagpapalakas ng kabuuang sistema ng pagbabayad. “The value of payments system rises when more people are able to use it… If it can be zero, even better,” ani Remolona.

Ang pagbawas ng singil sa transaksyon ay susuporta sa patuloy na paglago ng digital economy ng bansa.

Nanatiling nakatuon ang BSP sa pakikipagtulungan sa banking industry at iba pang stakeholders upang makabuo ng isang mababa ang gastos, maaasahan, at malawak na digital payments ecosystem na tunay na makikinabang ang mga mamimili, negosyo, at ang mas malawak na ekonomiya.