-- Advertisements --

Nagpaalala ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) laban sa ilegal na gumagawa at pag-imprenta ng pekeng pera.

Sa ilalim ng Circular No. 829, Series of 2014, ipinagbabawal ang paggawa, pag-imprenta, pamamahagi, o paggamit ng handbill, advertisement, placard, card, o anumang bagay na may larawan, kopya, o kahawig ng legal tender na salaping papel ng Pilipinas nang walang pahintulot mula sa BSP.

Babala ng ahensya, ang sinumang lalabag sa naturang regulasyon ay maaaring mapatawan ng parusang pagkakakulong mula lima hanggang 10-taon.

Samantala, nilinaw naman ng BSP na tinatanggap pa rin sa mga transaksyon ang mga perang papel at polymer banknotes na may tupi o gusot.

Gayunpaman, pinapayuhan ang publiko na huwag plantsahin o ilagay sa sobrang init o malamig na lugar pera upang hindi ito masira.

Ipinagbabawal din ng BSP ang pagsusulat o pagmamarka sa pera, labis na paglukot, paggupit, pagbubutas, pag-staple, pagdikit, at iba pang paraan ng pagsira sa salapi.

Ang mga lalabag dito ay maaaring patawan ng multa na hanggang dalawampung libong piso o pagkakakulong ng hanggang limang taon, alinsunod sa Presidential Decree No. 247 o Anti-Mutilation Law.