Nanawagan si Senador Risa Hontiveros sa Department of Health na tiyaking malinaw at hindi nakalilito ang binubuong bagong patakaran sa Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Persons o MAIFIP. Ayon sa senadora, dapat alisin ng bagong guidelines ang patronage politics alinsunod sa probisyon ng 2026 national budget at malinaw na itakda ang proseso sa pagkuha ng tulong-pinansyal upang mas mapadali ang access ng mga pasyente.
Binigyang-diin ni Hontiveros na layon ng reporma na wakasan ang pagkuha ng guarantee letters mula sa mga pulitiko at tiyaking direkta ang tulong medikal sa mga nangangailangan. Iginiit din niya na dapat magpatuloy kahit lampas 2026 ang mga repormang tulad ng anti-epal provision sa badyet.
“Klaro ang naging desisyon namin sa Senado at House, hindi dapat mag door-to-door pa sa mga opisina ng pulitiko para manlimos ng guarantee letters para lang makapagpagamot” ani Hontiveros.
Samantala, handa na rin umano si Hontiveros na simulan ang interpellation sa Senate Bill No. 1593 o Universal Health Care Medical Assistance Program na magbibigay ng tulong-pinansyal direkta sa mga ospital at pasyente, kung saan ang aplikasyon ay dadaan sa medical social workers at dapat maibigay ang tulong sa loob ng 72 oras. Layunin ng panukala na wakasan ang palakasan at gawing pantay at walang kondisyon ang tulong para sa lahat ng nangangailangan ng pagpapagamot.















