-- Advertisements --

Nanawagan si Senator Francis “Kiko” Pangilinan na kailangang kumilos aagad ang pamahalaan upang tiyakin ang kaligtasan ng mga Pilipino sa Middle East, matapos ang pag-atake ng US at Israel sa Iran.

Sa isang pahayag, nanawagan si Pangilinan sa mga embahada ng Pilipinas sa rehiyon na agad ipatupad ang crisis protocol para sa tinatayang dalawang milyong Pilipinong nagtatrabaho at naninirahan sa Middle East, kabilang ang humigit-kumulang isang libo ng Iran.

“Agad-agad na ipatupad ang crisis protocol… makipag-ugnayan agad sa mga community leader kung saan man kayo naroon para mas mabilis at maayos na evacuation o repatriation, kung anu’t ano man” ani Pangilanan, na tinutukot ang Overseas Filipino Workers (OFWs)

Samantala, bukod sa seguridad ng mga Pilipino sa abroad, binigyang-diin din ng senador ang agarang pagresponde sa posibleng pagtaas ng presyo ng krudo sa bansa.

Ayon kay Pangilinan, dapat ipatupad ang fuel subsidy para sa mga tsuper ng tricycle, jeepney at bus, gayundin para sa mga magsasaka at mangingisda na umaasa sa mga diesel para sa kanilang traktora at bangka.

Dagdag pa ng senador, kailangan ding pansamantalang suspindihin ang excise tax sa diesel at kerosene upang maibsan kahit bahagya ang dagdag-pasanin sa mga konsyumer.

Sa gitna ng hindi pa tiyak na direksiyon ng sigalot, nanawagan si Pangilinan ng maagap at konkretong hakbang mula sa pamahalaan, para sa kaligtasan ng mga Pilipino sa abroad at para sa proteksiyon ng mga sektor na pinakaapektado ng pagtaas ng presyo ng langis.