-- Advertisements --

Tuluyang maghahain ng piyansa si Batangas 1st District Representative Leandro Leviste para sa kaniyang pansamantalang kalayaan ukol sa kasong paglabag sa Public Service Act na inihain laban sa kaniya sa Makati Regional Trial Court (RTC) Branch 235.

Ayon kay Atty. Tony La Viña, tagapagsalita nina Senador Loren Legarda at Rep. Leviste, inihahanda na ng kaniyang legal team ang pagpaproseso sa itinakdang P72,000 na piyansa ng korte, bagama’t wala pang tiyak na petsa kung kailan babalik sa bansa ang mambabatas na kasalukuyang nasa ibang bansa kasama ang kaniyang ina na nagpapagaling sa isang karamdaman.

Ipinagtanggol naman ni La Viña ang solon at sinabing isang malinaw na anyo ng panunupil at political persecution ang mga kasong isinampa laban sa kaniyang kliyente dahil sa kaniyang mga naging kritikal na posisyon sa pamahalaan.

Kinuwestiyon din ng legal counsel ang naging pahayag ng National Bureau of Investigation (NBI) ukol sa posibleng koordinasyon sa International Criminal Police Organization (Interpol), kung saan sinabi ni La Viña na hindi niya maintindihan kung bakit kailangang idamay ang naturang internasyonal na ahensya sa isang bailable offense.

Nananatiling nakatutok ang mga awtoridad sa pagbabalik ng mambabatas sa bansa habang iginigiit ng kaniyang kampo na nakahanda silang harapin at pasubalian ang lahat ng mga ibinintang na paratang sa tamang legal na proseso.