-- Advertisements --

Tumaas ng 32% ang kaso ng tigdas at rubella o tigdas hangin sa Pilipinas noong 2025, base sa pinakahuling datos ng Department of Health (DOH).

Mula Enero hanggang Disyembre ng nakalipas na taon, tumaas ito sa 5,123 cases mula sa 3,880 cases na naiulat noong 2024.

Ayon sa DOH, mahigit sa kalahati ng dinapuan ng sakit ay mga batang edad 5 anyos pababa at mas bata sa anim na buwang gulang.

Mayorya sa mga kaso o nasa 73% ay hindi nabakunahan laban sa tigdas. Noon lamang Disyembre, nasa 405 kaso ng tigdas ang naidagdag.

Sa gitna ng pagtaas ng mga kaso ng naturang sakit, hinihimok ng DOH ang mga magulang na pabakunahan kontra measles at rubella ang kanilang mga anak sa pinakamalapit na health center.

Ang pagkakaiba ng tigdas at rubella o tigdas hangin ay ang uri ng virus na nagdadala ng sakit. Tinatawag na tigdas hangin ang German measles na mula sa virus na “rubella.” Habang ang tigdas naman na tinatawag na measles o “rubeola” ay dulot ng virus mula sa paramyxoviridae family.

Pareho ang mga ito na maaaring makahawa sa pamamagitan ng hangin kung saan naikakalat ang virus matapos umubo o bumahing ng taong may tigdas hangin. Ang itsura ng tigdas hangin ay maaaring katulad ng iba pang rashes.

Inanunsiyo rin ng ahensiya ang pagsasagawa ng nationwide immunization program sa layuning mabakunahan ang 11 milyong batang Pilipino, na sisimulan sa Mindanao, dahil nandito ang mga rehiyong may pinakamataas na bilang ng naitatalang bagong kaso ng tigdas at rubella.

Kabilang dito ang Zamboanga Peninsula, northern Mindanao, Soccsksargen at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Aarangkada ang programa ng DOH na tinatawag na “Ligtas-Tigdas” sa Enero 19 sa Mindanao, saka susundan ng Luzon at Visayas sa Hunyo.