Nakapagtala na ng Department of Health (DOH) ng kabuuang 376 na insidente ng banggaan sa kalsada sa bansa sa gitna ng holiday season mula Disyembre 21 hanggang 28,
Ito ay 5.76 porsiyentong mas mababa kumpara sa kaparehong panahon noong 2024.
Pinakamataas ang bilang ng road crash sa Region II, sinundan ng Region IV-A at Region V.
Ipinapakita ng datos na mga lalaking edad 15 hanggang 29 taong gulang ang pinakaapektado.
Karamihan sa mga insidente ay kinasasangkutan ng motorsiklo, na bumubuo sa 73 porsiyento ng kabuuang kaso.
Sa naturang bilang, 84 porsiyento ang walang suot na safety accessories, habang 13 porsiyento naman ang sangkot sa pagmamaneho na nasa impluwensiya ng alak.
Kaugnay nito, patuloy na nananawagan ang mga awtoridad sa mga motorista na magsuot ng tamang safety gear, umiwas sa pag-inom bago magmaneho, at sumunod sa mga batas trapiko.















