Nais ng Chinese Embassy na ang Department of Foreign Affairs (DFA) ang manguna sa pamamahala sa mga salungatan at pag-usad ng pangkalahatang bilateral relationship ng dalawang bansa.
Ito ay sa gitna ng palitan ng maiinit na pahayag sa pagitan ng Chinese diplomats at mga opisyal ng gobyerno ng Pilipinas na nag-ugat sa pagpalag ng China sa paggamit ng caricature ni Chinese President Xi Jinping.
Sa isang statement, tinugunan ng Chinese embassy ang paghimok ni DFA Maritime Affairs spokesperson Rogelio Villanueva Jr. sa embahada na maging konstruktibo sa mga pahayag nito.
Pinahahalagahan umano ng Chinese Embassy ang isang tapat at konstruktibong dayalogo sa DFA na mayroong parehong paggalang.
Isinisi rin ng embahada ang kamakailang palitan ng mga argumento sa pagitan ng Chinese Embassy at ilang opisyal at institusyon ng Pilipinas sa umano’y pag-atake at paninira ni Philippine Coast Guard spokesperson for the WPS Commodore Jay Tarriela sa China at sa lider nito na si Chinese President Xi Jinping.
Ikinatuwiran din ng embahada na wala ni isang pagkakataon na sila ang naunang umatake sa halip ay tumugon lamang umano sila, sa paraang kalmado, propesyunal at konstruktibong paraan para depensahan ang kanilang pambansang interes at dignidad ng China.
Kaugnay nito, nanawagan ang embahada para sa isang “healthy dialogue” sa pagitan ng China at Pilipinas na nangangailangan umano ng konstruktibong mga pahayag sa parehong panig.
















