Iniulat ng Department of Health (DOH) na bumaba ng 14% ang naitalang biktima ng paputok noong nakalipas na selebrasyon ng Pasko at Bagong Taon kumpara noong 2024.
Base sa datos ng DOH, nakapagtala ng 720 firework-related injuries mula Disyembre 21, 2025 hanggang Enero 5, 2026. Karamihan sa pinsala ay dulot ng kwitis, five-star, whistle bomb, boga at piccolo.
Samantala, tumaas naman sa 1,384 ang road crash injuries, doble ng 690 na naitala noong 2024–2025.
Halos 47% ng mga biktima ay kabataan edad 15 hanggang 29 anyos at may 10 nasawi kung saan 7 dito ay motorcycle riders, 6 dito ay walang suot na helmet at 3 ay pedestrian.
Tinukoy ni Health Secretary Teodoro Herbosa na pangunahing sanhi ng road crash injuries ay hindi pagsusuot ng helmet/seatbelt, pag-inom bago magmaneho, reckless driving at overspeeding.
Nanawagan din ang kalihim para sa malusog na pamumuhay, matapos maitala ang 422 kaso ng non-communicable diseases kung saan 12 ang nasawi, pito sa mga ito ay dahil sa acute stroke.
Karaniwang tinatamaan ng mga sakit gaya ng hypertension, diabetes, acute coronary syndrome, bronchial asthma at stroke ay nasa edad 40 pataas.














