-- Advertisements --

Sa kabila ng mas mababang bilang ng mga naputukan sa nakalipas na holiday celebration noong 2025, inilarawan ng Department of Health (DOH) na mas malubha ang natamong injuries ng mga biktima ng paputok noong nakalipas na taon kumpara noong taong 2024.

Ayon kay DOH Spokesperson ASec. Albert Domingo na maituturing na mas kritikal ang natamo ng mga biktima ng paputok noong nakalipas na taon.

Kung saan, iniuri ng DOH ang fireworks-related victims bilang nasabugan o napaso nang walang amputation o nasabugan o napaso nang may amputation.

Nakapagtala rin ang DOH ng mga nagtamo ng eye injuries dahil sa paputok at may mga naapektuhan ang kanilang baga dahil sa mga paputok o fireworks.

Kinumpirma rin ni ASec. Domingo na karamihan sa mga biktima ng paputok ay mga menor de edad kabilang ang 12-taong-gulang na bata na nasawi matapos masabugan ng paputok sa Tondo, Maynila noong Disyembre 28.

Iniulat din ng DOH official na may isang kumpirmadong binawian ng buhay dahil sa ligaw na bala at mayroon pang limang kaso na kasalukuyang biniberipika.

Sa kabuuan, ayon kay ASec. Domingo, lumagpas na sa 500 ang bilang ng naputukan kung saan mayroong mahigit 300 kaso ang kasalukuyang biniberipika, mas mababa ito sa mahigit 800 naitala noong 2024.