-- Advertisements --

Inaasahang madaragdagan pa ang bilang ng mga naputukan sa nakalipas na pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon, ayon sa Department of Health (DOH).

Ito ay sa gitna ng nagpapatuloy na pagkalap at pag-validate sa mga datos ng DOH- Epidemiology Bureau.

Ayon kay Health spokesperson ASec. Albert Domingo, posibleng madagdagan pa ng mahigit 300 na biktima ng mga paputok ang naitalang kabuuang 235 na kaso kahapon, unang araw ng taong 2026.

Paliwanag ni ASec. Domingo na tumataas pa ang bilang ng mga biktima ng paputok dahil sa late reports.

Nakatakda namang maglabas ng kumpirmadong datos ang ahensiya bukas kaugnay sa mga dagdag na kaso ng fireworks-related injuries.

Base nga sa pinakahuling datos ng ahensiya, karamihan ng mga biktima ng paputok sa nagdaang holiday celebration ay 19 anyos pababa na nasa 69% habang nasa 31% naman ay nasa edad 20 anyos pababa.

Pinakamarami ang nagtamo ng injuries dahil sa paputok na Boga at 5-star.