Magdedeploy ang Department of Health (DOH) ng 200 health emergency response team members para sa taunang Traslacion, na inaasahang dadagsain ng maraming mananampalatayang Katoliko sa Enero 9.
Habang ang mga ospital sa Metro Manila ay nakastandby para tumanggap ng mga debotong posibleng mangailangan ng medical assistance.
Sa isang panayam, ipinaliwanag ni Health spokesperson ASec. Albert Domingo na ang naturang bilang ng mga ipapakalat na health emergency responders ay base sa tinatayang peak sa deployment para sa taunang prusisyon dahil maaari aniyang magbago ang bilang depende sa kinakailangan sa operasyon.
Maliban dito, ilalagay muli sa code white alert ang mga ospital subalit paglilinaw ni ASec. Domingo, ito ay sa Metro Manila lamang at sa mga karatig na rehiyon sa Central Luzon at Southern Luzon, sakaling may health emergencies kaugnay sa religious event.
Sa ilalim ng code white alert status, minamandato ang mga ospital na maging handa sa pagtugon sa emergencies, sa mga karaniwang problema sa kalusugan may kaugnayan sa prusisyon gaya ng high blood pressure, pagkahilo o malala, posibleng mass casualty.
Kaugnay nito, nagpaalala ang DOH sa publiko partikular na sa mga buntis at mayroong sakit sa puso o baga na huwag nang lumahok sa Traslacion, na nauuwi sa siksikan at tulakan.
Pinayuhan din ang mga deboto na iwasang dalhin ang mga bata. Subalit sa mga magtutungo, nagbigay ng ilang tips ang DOH, kabilang ang pagdadala ng IDs upang madaling matukoy ang pagkakakilanlan, iwanan ang mahahalagang gamit sa bahay, magdala ng tubig at maintenance medication kung meron man, at hand sanitizers at magsuot ng komportableng kasuotan.















