-- Advertisements --

Maaari pa umanong sumipa ang mga kaso ng leptospirosis sa mga susunod na araw ayon sa Department of Health (DOH).

Ipinaliwanag ni Health Spokesperson ASec. Albert Domingo na ang incubation period ng leptospirosis ay isa hanggang dalawang linggo kayat may posibilidad pa na tumaas ang mga kaso ng sakit subalit umaasa ang opisyal na hindi na ito tumaas pa.

Aniya, mula noong weekend ng Hulyo 26, o panahon na maraming parte ng bansa ang nalubog sa malawakang pabaha dahil sa pananalasa ng mga nagdaang bagyo at habagat, hanggang sa kasalukuyan ay humigit-kumulang isang linggo pa lamang ang nakakalipas.

Paliwanag pa ng opisyal na kapag sa loob aniya ng isa o dalawang linggo na walang ginawa matapos lumusong sa baha, kalaunan aniya ay posibleng makaramdam ng lagnat at pananakit ng katawan.

Nauna ng iniulat ni ASec. Domingo na nakapagtala na ng kabuuang 1,272 kaso ng leptospirosis sa buong bansa mula Hulyo 13 hanggang Agosto 6.

Kung ikukumpara noong nakalipas na taon, mas mataas aniya ang naitalang mga kaso noong Hulyo 2024 nang tumama ang bagyong Carina. Subalit hindi naman nagpapakampante dito ang DOH.

Kasalukuyan din aniyang may mga naka-admit na mga pasyenteng dinapuan ng leptospirosis sa mga ospital ng DOH.

Pinayuhan naman ni ASec. Domingo ang mga lumusong sa tubig-baha kamakailan na maaaring mag-take ng antibiotic na inireseta ng doctor o kaya naman kapag lagpas na sa isa o dalawang linggo, kung may nararamdamang lagnat o pananakit ng kalamnan, magpakonsulta sa doctor para hindi na rin tumaas pa ang kaso.