-- Advertisements --

Makakaranas ang ilang lugar sa Pilipinas ng maulap na papawirin na may dalang mga pag-ulan dulot ng hanging amihan at easterlies.

Ayon sa state weather bureau, makakaapekto ang amihan sa Luzon habang ang easterlies naman ay magdadala ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa may Bicol Region, Caraga, Davao Region, Northern Samar, Eastern Samar at Southern Leyte.

Makakaranas din ang MIMAROPA, nalalabing parte ng Visayas at Mindanao ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may isolated rainshowers o thunderstorms dahil sa epekto ng easterlies.

Kaugnay nito, nagbabala ang weather bureau sa posibilidad ng pagbaha at pagguho ng lupa dahil sa katamtaman hanggang sa mabibigat na pag-ulan sa mga nabanggit na lugar.

Inaabisuhan din ang mga nasa Hilagang Luzon na makakaranas ng gale-like winds at hindi magandang kondisyon sa dagat habang ang nalalabing lugar sa Luzon ay makakaranas naman ng katamtaman hanggang sa malalakas na hangin at katamtaman hanggang sa maalong dagat.

Sa ngayon, walang binabantayang low pressure area (LPA) sa loob at labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).