Umakyat na sa kabuuang 12,016 ang mga barangay na delikado sa pagguho ng lupa at pagbaha bunsod ng epekto ng shearline at tropical depression Wilma.
Base sa inilabas na geohazard advisory ng Mines and Geosciences Bureau ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), tinukoy ang mga flood-prone area kabilang ang mga lugar kung saan ang maliliit na ilog ay dumudugtong sa malalaking ilog, mga mabababang lugar, ang mga lugar kung saan nagsasalubong ang ilog at dagat, swamps at coastal areas gayundin ang riverbanks na umaapaw tuwing umuulan.
Ang warning signs naman sa landslides ay ang mga bitak sa lupa, nakatagilid na puno at pader, biglaang pagdaloy ng tubig sa ground at malilit na pagguho ng lupa.
Para maiwasan ang banta ng landslide at pagbaha, pinapayuhan ng ahensiya ang publiko na nasa mga lugar na nabanggit na maging alerto sa mga pagtaas o pagbaba ng lebel ng tubig-baha.
I-report agad ang anumang senyales na paggalaw ng lupa, pagtaas ng tubig o maputik na tubig.
Ipaalam sa mga barangay officials kung may mapansing bitak sa mga pader o nakatagilid na sahig o poste sa slope areas.
Pinapayuhan din ang publiko na alamin ang emergency exits at safe zones, sundin ang emergency procedures sa mga lugar na kinaroroonan at manatiling ligtas.
















