JAKARTA, Indonesia – Pitong katao ang kumpirmadong nasawi habang 82 pa ang nawawala matapos ang malakas na pagguho ng lupa sa Pasirlangu village, West Bandung, West Java, Indonesia.
Nangyari ang insidente bandang alas-2:00 ng madaling araw kanina, matapos bumigay ang bahagi ng Mount Burangrang dahil sa malakas na ulan.
Mahigit 30 kabahayan ang natabunan ng lupa at putik, na nagdulot ng matinding pinsala sa komunidad.
Pinamumunuan ng National Disaster Mitigation Agency (BNPB) ang search and rescue operations, katuwang ang Armed Forces of Indonesia, lokal na pamahalaan, at mga boluntaryo.
Naging mahirap ang operasyon dahil sa patuloy na pag-ulan at banta ng karagdagang landslide sa lugar.
Bukod sa landslide, binaha rin ang 20 sa 30 sub-districts ng Karawang at ilang bahagi ng East Jakarta, dahilan upang lumikas ang daan-daang residente.
Ayon sa pamahalaan, nakadagdag sa panganib ng kalamidad ang deforestation at environmental degradation, kaya’t isinampa ang kaso laban sa anim na kumpanya na umano’y responsable sa pagkasira ng kapaligiran.
















