Mahigpit na inatasan ng Department of Energy (DOE) ang lahat ng oil companies at gasoline stations na sumunod sa umiiral na fuel pricing rules upang maiwasan ang hoarding at anumang hindi awtorisadong pagtaas ng presyo ng petrolyo sa gitna ng nakaambang pagtaas ng oil price bunsod ng epekto ng kaguluhan sa Middle East.
Ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., kung saan pinaigting din ang monitoring sa tulong ng Department of the Interior and Local Government at ng Philippine National Police.
Ayon sa DOE, patuloy nilang binabantayan ang galaw ng presyo sa mga gasolinahan upang matiyak na hindi naaabuso ang mga motorista at konsyumer.
Samantala, narito ang kasalukuyang pump price range ng mga produktong petrolyo mula Marso 6 hanggang March 9:
- Gasoline RON 97/100: ₱53.70 – ₱76.50/L
- Gasoline RON 95: ₱50.00 – ₱71.04/L
- Gasoline RON 91: ₱49.00 – ₱64.70/L
- Diesel: ₱49.00 – ₱66.59/L
- Diesel Plus: ₱56.80 – ₱74.81/L
- Kerosene: ₱78.90 – ₱99.89/L
Paalala naman ng DOE na mahigpit na ipinagbabawal ang hoarding at ilegal na bentahan ng petrolyo sa ilalim ng Batas Pambansa Blg. 33 na inamyendahan ng Presidential Decree 1865.
Ang sinumang lalabag sa batas ay maaaring mapatawan ng kaukulang parusa at kanselasyon ng kanilang permit sa operasyon.
















