Nagbabala si ACT Teachers Rep. at Deputy Minority Leader Antonio Tinio laban sa pagmamadali ng gobyerno sa pagpapatupad ng nuclear energy program, kasabay ng pagtutol niya sa lumalaking papel ng ibang bansa sa sektor ng enerhiya ng Pilipinas.
Sa pagdinig sa panukalang 2027 budget ng Department of Energy, kinuwestiyon ni Tinio ang plano ng ahensya matapos lumitaw na may mga proyektong pinondohan ng Estados Unidos, kabilang ang pag-aaral sa small modular reactors o SMR.
Ayon kay Tinio, dapat munang suriing mabuti ang kaligtasan, gastos sa kuryente, nuclear waste at epekto sa mga komunidad bago lumipat mula SMR patungo sa conventional nuclear plants.
Tinatayang nasa $10 bilyon ang gastos sa conventional nuclear technology kumpara sa $4 bilyon para sa SMR.
Kabilang sa pinag-aaralan kung aling mga bansa ang maaaring maging supplier ng nuclear technology. Ito ay ang China, South Korea, Japan, Canada, Estados Unidos at France.
Nagpahayag din ng pangamba si Tinio sa pagmamay-ari ng mga dayuhan sa fuel storage facilities sa bansa. Binanggit niya ang malaking pasilidad sa Subic na pag-aari ng US investment firm na I Squared Capital, pati ang planong fuel storage facility sa Davao Gulf.
Nanawagan si Tinio na ilatag sa Kongreso ang lahat ng kasunduan, pag-aaral at transaksyon ng gobyerno sa mga dayuhang kumpanya at bansa na may kaugnayan sa nuclear energy at fuel storage.
Giit niya, dapat unahin ang pambansang interes at tiyaking nasa kontrol ng mga Pilipino ang mahahalagang imprastraktura para sa seguridad sa enerhiya.
















