Pinawi ng Philippine Embassy sa Indonesia ang pangamba ng mga Pinoy ukol sa naitalang landslide sa nasabing bansa.
Giit nila walang Pilipinong kabilang sa mga nasawi o nawawala sa malawakang pagguho ng lupa sa Bandung, West Java.
Sa pinakahuling tala ng mga otoridad, umabot na sa 25 ang nasawi habang mahigit 70 katao pa ang patuloy na pinaghahanap.
Ang insidente ay naganap sa Pasir Langu Village, Cisarua District matapos ang ilang araw ng malakas na ulan na nagdulot ng pagbagsak ng lupa at debris.
Mahigit 30 kabahayan ang natabunan, dahilan upang ilikas ang mga residente sa mas ligtas na lugar.
Patuloy ang search and rescue operations ng Indonesian National Search and Rescue Agency (BASARNAS) at Local Disaster Management Agency, bagamat nahaharap sila sa panganib dahil sa unstable soil conditions.
Nanatiling nakikipag-ugnayan ang embahada ng Pilipinas sa mga otoridad upang matiyak ang kaligtasan ng mga Pilipino sa lugar.
Ang trahedya ay muling nagbigay-diin sa pangangailangan ng mas mahigpit na paghahanda at regulasyon laban sa mga sakunang dulot ng matinding pag-ulan sa rehiyon.















