-- Advertisements --

Inatasan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla ang mga pulis na magsuot ng body cameras sa paghahanap sa puganteng si Atong Ang sa gitna ng alegasyon ng suhol na nagresulta sa kaniyang pagtakas.

Ayon sa kalihim, iniiwasan nila ang “hulidap” o ang extortion mula sa suspek kayat dapat na nakasuot ng body cameras ang kapulisan bago magsagawa ng raid. Aniya, maaari kasing matukso sakaling may makitang pera.

Inihalimbawa ni Remulla ang malawak na koneksiyon at resources ni Ang bilang hadlang sa kaniyang agarang pagkakaaresto.

Sa ngayon, umaabot na sa anim na properties ni Ang ang na-inspeksiyon ng mga awtoridad subalit hindi natagpuan dito ang tinaguriang “most wanted person” sa bansa.

Huling nakita si Ang sa kaniyang mga bahay sa Mandaluyong. Kinumpirma naman ni Remulla na wala sa mga aktibo at retiradong pulis na konektado sa business tycoon ang nagkakanlong sa kaniya.