-- Advertisements --

Hindi nababahala si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa inihaing impeachment complaint laban sa kanya sa Kamara.

Ito ang inihayag ng Palasyo ng Malacañang.

Sinabi ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro na personal niyang nakausap ang Pangulo hinggil sa usapin at kumpiyansa ito na malalagpasan ang hamong kinahaharap ng kanyang administrasyon.

Ayon kay Castro, naniniwala ang Pangulo na wala siyang ginawang anumang impeachable offense at malinaw sa kanya na walang sapat na batayan ang reklamong inihain.

Dagdag pa niya, kumpiyansa si Pangulong Marcos na hindi uusad ang impeachment complaint dahil sa kakulangan ng ebidensya at sa umiiral na mga proseso sa Kongreso.

Binigyang-diin ng Malacañang na nananatiling nakatuon ang Pangulo sa kanyang tungkulin at sa pagtugon sa mga isyung kinahaharap ng bansa sa kabila ng mga batikos at hamon sa pulitika.