-- Advertisements --

Sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng isang vlogger na sangkot umano sa isang insidente ng road rage na kumalat sa social media platform.

Ayon sa LTO, makikita sa viral video na tumanggi ang vlogger na paunahin ang isa pang motorista sa kalsada.

Sa isang stoplight, bumaba pa umano ito ng sasakyan, kumatok sa bintana ng kabilang motorista, at nagbitaw ng mga masasakit na salita at pagbabanta.

Pinagpapaliwanag na ang vlogger sa pamamagitan ng show cause order at inaatasang humarap sa LTO Intelligence and Investigation Division upang sagutin kung bakit hindi siya dapat kasuhan ng reckless driving.

Habang isinasagawa ang imbestigasyon, sinuspinde ang kanyang driver’s license sa loob ng 90-araw at inilagay rin sa alarm status ang sasakyang sangkot sa insidente.

Ayon kay LTO chief Markus Lacanilao, ang naturang insidente ay banta sa kaligtasan ng publiko at paglabag sa mga batas trapiko.