-- Advertisements --

Mapipilitang mag-isyu muna ng Temporary Certificate of Registration (CR) ang Land Transportation Office (LTO) para sa mga bagong rehistrong sasakyan, motorsiklo, at trailers.

Ito ay bunsod ng nararanasang kakulangan sa suplay ng security paper na ginagamit sa pag-iimprenta ng mga orihinal na dokumento na nagmumula sa National Printing Office (NPO).

Sa inilabas na direktiba sa mga District Offices, nilinaw ng ahensya na mananatiling valid at maaaring gamitin ng mga motorista ang nasabing temporary CR habang hinihintay ang opisyal na kopya.

Tiniyak naman ng LTO na oras na dumating ang mga kailangang materyales, bibigyan ng priority ang pag-iimprenta ng mga naantalang CR at agarang aabisuhan ang mga rehistradong may-ari para makuha ang kanilang orihinal na dokumento.