Muling nagbabala sa publiko ang Department of Health (DOH) sa banta ng sakit na leptospirosis.
Ito ay sa gitna ng naitalang mga pagbaha sa Metro Manila at ilan pang lugar sa bansa dulot ng mabibigat na pag-ulan dala ng low pressure area na tuluyan nang nabuo bilang bagyong Isang na sinabayan ng pinaigting na hanging habagat.
Ayon kay Health spokesperson ASec. Albert Domingo, kung sakaling lumusong sa tubig-baha, agad na maghugas ng katawan gamit ang malinis na tubig at sabon.
Pinapayuhan din partikular na ang mga bata na iwasan ang paglangoy sa baha upang maiwasang madapuan ng sakit.
Pinaalalahanan din ng DOH official ang publiko na maaaring magpakonsulta sa health center o sa leptospirosis fastlanes sa DOH hospitals sakaling nalantad sa tubig-baha ngayong tag-ulan para maresetahan ng kaukulang gamot.
Karaniwan kasi na maaaring magkasakit dalawang araw hanggang apat na linggo pagkatapos na malantad sa tubig-baha.
Samantala, base sa pinakahuling datos ng DOH mula nang ideklara ang panahon ng tag-ulan sa bansa hanggang noong Agosto 14, nasa kabuuang 3,752 ang naitalang kaso ng leptospirosis.
Nananatili namang naka-alerto ang mga DOH hospital habang binuksan naman ang kabuuang 49 na leptospirosis fastlanes sa buong bansa.