Iginiit ni Representative Francisco Paolo Ortega V sa Kamara na pumasa sa sufficiency in form at dapat nang umusad sa susunod na hakbang ang ikaapat na impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa pagdinig ng House Committee on Justice na pinamumunuan ni Chairperson Jervil Luistro, pormal na iprinisinta ni Ortega ang tinaguriang Cabrera complaint.
Kasama si Rep. Bienvenido Abante Jr., ipinasa nila ang Resolution of Endorsement noong Pebrero 18, 2026 na sinumpaan sa harap ni Secretary General Atty. Cheloy Velicaria-Garafil.
Binigyang-diin ni Ortega na ang reklamo na inihain ng mismong complainant na si Atty. Nathaniel Cabrera ay duly verified at duly notarized.
Pasado umano ito sa Rules of Procedure in Impeachment Proceedings ng komite dahil malinaw na ang mga paratang ay nakabatay sa personal knowledge at authentic documents.
Ayon sa mambabatas, panahon na upang maningil ng pananagutan sa mga opisyal ng pamahalaan anuman ang kanilang kulay sa pulitika.
Ito ay sa gitna ng pagharap ng bise presidente sa mga seryosong alegasyon ng culpable violation of the Constitution, betrayal of public trust, graft and corruption at iba pang mabibigat na krimen na sumisira sa integridad ng institusyon.Binalikan din ni Ortega ang panunumpa ng bise presidente halos apat na taon na ang nakalilipas na tila hindi umano natupad.
Dahil sa bigat ng mga alegasyon at pagiging sapat ng mga isinumiteng dokumento, pormal na hiniling ng kongresista sa komite na payagang umusad ang proceedings sa susunod na yugto upang lumabas ang katotohanan.















