-- Advertisements --

Binabantayan ng Taiwan Coast Guard ang mga Chinese fishing boat na patuloy na nagpupumilit pumasok sa mga naideklarang restricted waters na nasasaklawan ng Dongsha Islands.

Ang naturang bahagi ng karagatan ay kontrolado ng Taiwan at bahagi rin ng South China Sea.

Nitong nakalipas na araw, matagumpay na napaalis ng TCG ang dalawang Chinese fishing boat na nagpupumilit mangisda sa restricted waters gamit ang water cannon.

Isa sa mga naturang fishing vessel ay agad umalis sa lugar matapos paulit-ulit na mabigyan ng babala, habang ang ikalawa ay tumangging umalis kaya’t ginamitan na ito ng mga water cannon.

Ayon sa Taiwan CG, patuloy na namomonitor ang pagtatangkang pagpasok ng maraming Chinese fishing vessel sa restricted waters, kaya’t mananatiling nakadeploy sa lugar ang mga barko nito.

Sa kabilang banda, iniulat naman ng Taiwan Ministry of National Defense na mayroong hanggang 23 Chinese military aircraft, seven naval vessels, at pitong official ships ang natukoy na nag-ooperate sa palibot ng naturang estado.

Namonitor ito mula umaga ng October 1 hanggang October 2.