Iginiit ng Department of Health (DOH) na hindi nakikita sa ngayon ang pagmandato ng pagsusuot ng face mask sa gitna ng pagtaas ng mga kaso ng influenza-like illnesses ngayong flu season.
Ayon kay Health spokesperson ASec. Albert Domingo, ilan sa mga tinitignan nila sa pagkokonsidera sa muling pagmamandato ng face mask ay ang pagtaas ng admissions sa mga ospital kabilang na ang malulubhang kaso.
Partikular na sa intensive care units kung napupuno na, subalit hindi pa ito nakikita sa ngayon.
Paliwanag pa ng DOH official na nasa kalagitnaan ng flu season ang ating bansa, bagamat binigyang diin niya na walang outbreak ng naturang sakit.
Sa kabila nito, sinabi ni ASec. Domingo na hindi sila nagpapakampante dahil posibleng tumaas ang mga kaso kung hindi mag-iingat ngayong nasa kasagsagan tayo ng flu season.
Gayundin, bagamat hindi iminamandato ang pagsusuot ng face mask, ipinapayo ng ahensiya ang pagsusuot nito bilang pag-iingat lalo na kapag may sakit para hindi makahawa.
Sa ospital naman, mandatoryo aniya ang pagsusuot ng face mask para maiwasang mahawa ng iba’t ibang sakit.
Nakahanda naman ang DOH sa paglobo ng mga kaso ng influenza-like illnesses kung saan naglaan ang mga DOH hospital ng karagdagang 10 porsyentong bed capacity para ma-accommodate ang mga pasyente.
Nauna ng iniulat ng DOH na mahigit 6,000 kaso na ng sakit ang naitala sa buong bansa mula Setyembre 28 hanggang Oktubre 11. Bagamat, mas mababa aniya ito kumpara sa naitala sa nakalipas na dalawang linggo.