Nagpaalala ang isang eksperto sa mga simpleng hakbang sa kalusugan para maiwasang madapuan ng super flu, isang variant ng influenza A.
Ayon kay Dr. Evalyn Roxas, infectious disease specialist ng UP Manila, ang tamang kalinisan, responsableng gawi, at bakuna ang pangunahing depensa laban sa influenza. Kabilang sa mga hakbang na ito ang madalas na paghuhugas ng kamay, tamang paraan ng pag-ubo at pagbahing at pagsusuot ng face mask kapag nakaramdam ng mga sintomas.
Dagdag niya, hindi kailangan itigil ang tradisyunal na pagmamano basta’t may tamang kalinisan, at mahalaga ring manatili sa bahay kapag may sakit upang hindi makahawa sa iba.
Binanggit rin ng infectious disease expert na ang mataong lugar ay mas mataas ang panganib, lalo na sa mga may mahinang immune system, kaya ipinapayong iwasan ang matataong lugar sa ganitong panahon.
Aniya, ang taunang flu vaccination ay epektibo at lubos na inirerekomenda upang maprotektahan ang sarili laban sa influenza.
Samantala, binibigyan diin ng DOH at eksperto sa publiko na ang simpleng kalinisan at responsableng pag-uugali ang pinakamabisang paraan upang maiwasan ang “super flu.”
Una ng nilinaw ng DOH na hindi bagong sakit ang super flu at ang mga sintomas nito ay walang pinagkaiba sa pangkaraniwang trangkaso tulad ng ubo, sipon, lagnat at pananakit ng katawan.
















