Pumalo na sa 63 ang naitalang mga kaso ng “Super Flu” sa bansa batay sa pinakabagong datos ng Department of Health (DOH).
Ayon kay Health Spokesperson Albert Domingo, ang datos na ito ay naitala noong Disyembre at nilinaw na ang ‘super flu’ ay isang variant ng influenza A o trangkaso at binigyang diin na hindi na ito isang bagong sakit.
Paliwanag pa ni Domingo, ang sintomas ng super flu ay walang pinagkaiba sa karaniwang sintomas ng trangkaso gaya ng pagkakaroon ng ubo, sipon, lagnat at pananakit ng katawan.
Sa kabila nito ay binigyang diin din ng kagawaran na madalas talagang tumataas ang kaso ng mga respiratory infections sa mga panahon na ito dahil na rin sa pagbabago sa panahon.
Binigyang linaw rin ni Domingo na dahil ngayon ay Enero malaki pa rin ang posibilidad ng pagkakaroon ng pagbabago sa panahon kaya posible ring magkaroon ng irritation sa ilong at lalamunan ang publiko.
Samantala, hinikayat naman ng DOH ang publiko na magsuot ng face masks bilang proteksyon at pagiingat sa ganitong mga sitwasyon at hindi aniya nangangahulugan na lumala o infectious ang pagkakaroon ng flu.















