ILOILO CITY – Nagpaalala sa publiko ang Iloilo Provincial Health Office (IPHO) na mahigpit na sundin ang mga pangunahing hakbang pangkalusugan habang papalapit ang Dinagyang Festival, sa gitna ng pangamba sa paglaganap ng mga sakit na may sintomas na tulad ng trangkaso na iniuugnay sa tinatawag na “super flu.”
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Dr. Maria Socorro Colmenares-Quiñon, pinuno ng IPHO, sinabi nito na ipatutupad ng pamahalaang panlalawigan ang mga karaniwang hakbang tuwing flu season: maghugas ng kamay, magsuot ng mask kung inuubo o sinisipon, at magpanatili ng distansya sa matataong lugar, lalo na kung may karamdaman.
Sa buong bansa, patuloy na mino-monitor ng mga awtoridad sa kalusugan ang mga ulat ng matagal na flu-like symptoms na pinaniniwalaang may kaugnayan sa Subclade K ng Influenza A, isang strain na ayon sa mga eksperto ay maaaring dahilan ng pagpapatuloy ng mga kaso.
Nilinaw ni Colmenares-Quiñon na wala pang inilalabas na opisyal na abiso ang Department of Health (DOH) Central Office hinggil sa bagong protocol para sa “super flu”, at wala ring kumpirmadong kaso nito sa Iloilo Province sa kasalukuyan.
Gayunman, sinabi niya na base sa mga pag-aaral, mas karaniwan ang naturang strain sa mga bansang may malamig na klima at nagpapakita ng mga sintomas na kahalintulad ng influenza-like illness (ILI), kaya patuloy ang pagpapatupad ng mga hakbang sa pag-iwas.
Dagdag pa niya, wala namang biglaang pagtaas ng kaso ng ILI sa lalawigan nitong mga nakaraang linggo, bagama’t may mga naitatalang pasyente na nakararanas ng matagal na lagnat, ubo, sakit ng ulo, at pananakit ng katawan.
Patuloy ring hinihintay ng IPHO ang posibleng gabay hinggil sa paglabas ng bakuna na partikular na tutugon sa Subclade K.















