-- Advertisements --

Lalaban muli ang Gilas Pilipinas kontra sa Australia Boomers sa darating na Linggo para sa FIBA World Cup Asian Qualifiers, na magmamarka ng pagbabalik ng koponan ng Australia sa Pilipinas matapos ang halos walong taon.

Ito ang unang laro ng Boomers sa Philippine soil mula noong Hulyo 2018, kung saan naganap ang kontrobersyal na laban na nauwi sa gulo at nagresulta sa maraming ejections mula sa magkabilang panig.

Sa laban na iyon, nagtala ng score na 89-53, pabor sa Australia.

Nagharap din ang dalawang koponan noong nakaraang taon sa FIBA Asia Cup, kung saan muling nanalo ang Boomers laban sa Gilas sa score na 84-60. 

Sa kasalukuyan, kabilang ang Pilipinas sa Group A ng qualifiers kasama ang Australia, New Zealand, at Guam.

Tanging ang top three teams sa bawat grupo ang uusad sa susunod na round.

Nakapagtala na ang Gilas ng dalawang panalo laban sa Guam noong nakaraang window, at inaasahang magiging kritikal ang laban kontra Australia at New Zealand para sa kanilang kampanya.

Hindi naman matatawaran ang malalaking players ng dalawang bansa kaya mabigat ang pressure para sa panig ng ating mga kababayan.