-- Advertisements --

Kinumpirma ni US President Donald Trump na naglunsad ng pag-atake ang Amerika kasama ang Israel sa Iran ngayong Sabado, Pebrero 28.

Ayon kay Trump, sinimulan nang isagawa ang “major combat operations” sa Iran, binansagang “Roaring Iron” operation.

Ipinaliwanag ni Trump na layunin nito na protektahan ang mga mamamayan ng Amerika mula sa banta ng Iranian regime.

Inisa-isa ni Trump ang mga dahilan sa likod ng pag-atae kabilang ang aniya’y malawakang pagpatay ng Iranian regime target ang mga tropa at sibilyang mamamayan ng Amerika sa maraming bansa sa loob na ng 47 taon.

Inihayag naman ni Israeli Defense Minister Israel Katz na naglunsad ang kanilang bansa ng pre-emptive attack sa Tehran kasabay ng pagkumpirma ng Israel military na gumanti ng pag-atake ang Iran.

Nagpadala naman ng warnings ang Israel para mapaghanda ang kanilang mamamayan sa paparating na missiles mula sa Iran.

Naitala ang mga pagsabog sa iba’t ibang siyudad ng Iran kabilang na sa kabisera ng Tehran matapos maglunsad ng strikes ang Israel at US umaga ngayong Sabado.

Base sa ilang source, ilang araw nang pinaplano ng US military ang paglulunsad ng pag-atake sa Iran.

Inilarawan naman ni Trump ang military compaign bilang malawakan at nagpapatuloy.

Inakusahan din ni Trump ang Iran ng pagtatatag ng nuclear program matapos ang pag-atake ng US noong Abril ng nakalipas na taon.

Binalaan naman ni Trump ang Iranian military at police na isuko ang kanilang armas o huwag nang lumaban at magkaroon ng ganap na immunity, dahil kung hindi, ay kamatayan ang kanilang sasapitin.

Isinusulong din ni Trump ang pagpapalit ng rehimen sa Iran at hinimok ang mga Iranian na i-take over ang kontrol sa kanilang gobyerno.

Sa panig naman ng Iran, iniulat ng state media na naghahanda umano ang kanilang bansa na gumanti ng pag-atake.

Sa ngayon, wala pang kumpirmasyon mula sa panig ng Iran hinggil sa posibleng nasawi o nasugatan at napinsala sa pag-atake ng US at Israel.

Ang pag-atake sa Iran ay sa gitna ng pagtindi pa ng pressure ng Amerika sa Tehran para pumayag sa panibagong kasunduan sa nuclear programme. Nitong Biyernes, inihayag ni Trump na hindi siya masaya sa naging resulta ng negosasyon nila ng Iran sa idinaos na nuclear talks.