-- Advertisements --

ILOILO CITY – Opisyal nang binuksan ang 2026 Dinagyang Festivities sa pamamagitan ng Opening Salvo sa lungsod ng Iloilo na dinaluhan ng libo-libong Ilonggo.

Pitong tribo sa Dinagyang Tribes Competition at anim na tribo para sa Sadsad sa Calle Real ang nagpakitang-gilas sa entablado gamit ang malalakas na tugtugin, masisiglang koreograpiya, makukulay na headdress, at taos-pusong debosyon sa Señor Santo Niño.

Isinagawa ito sa Iloilo Freedom Grandstand at sa Iloilo Sports Complex.

Kaabang-abang ang Dinagyang Tribes Competition sa umaga ng Enero 25, habang gaganapin naman ang Sadsad sa Calle Real sa hapon ng parehong araw sa Iloilo Downtown Area.

Ipinagmalaki rin ni Iloilo City Mayor Raisa Treñas sa kanyang talumpati na mas pinababa ang presyo ng mga tiket ngayong taon upang mas marami ang makapanood.

Nagdagdag din ang mga organizer ng mga lugar para sa mga pagtatanghal.

Ang Dinagyang Festival sa Lungsod ng Iloilo ay isang makulay na pagdiriwang na pinagsasama ang debosyong panrelihiyon, pagpapahayag ng kultura, at masining na pagtatanghal bilang parangal nila sa Santo Niño.