ILOILO CITY – Isinailalim na sa Red Alert Status ang lungsod ng Iloilo at buong lalawigan ng Iloilo bilang paghahanda sa posibleng epekto ng Bagyong Tino, partikular sa banta ng storm surge at malalakas na pag-ulan.
Ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), activated na ang operation center at nakaposisyon na ang mga response clusters mula sa social welfare, engineering, at force multipliers upang agarang tumugon sa pangangailangan ng mga residente sa oras ng sakuna.
Tinukoy ng mga otoridad ang 18 bayan sa lalawigan na posibleng maapektuhan ng storm surge na maaaring umabot sa dalawang metro ang taas sa loob ng susunod na 48 oras. Kabilang dito ang Ajuy, Anilao, Banate, Barotac Nuevo, Barotac Viejo, Batad, Carles, Concepcion, Dumangas, Estancia, Guimbal, Leganes, Miagao, Oton, San Dionisio, San Joaquin, Tigbauan, at Zarraga.
Sa Iloilo City, nagsimula na ang mandatory pre-emptive evacuation sa mga residente na nakatira sa mga coastal areas na itinuturing na high-risk at high-exposure sa storm surge.
Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Rani Melvi Cuarte, hepe ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), tiniyak niyang handa ang kanilang tanggapan na mag-augment ng tauhan at suplay sa mga bayan na maaaring maapektuhan. May sapat na relief packs na rin umanong nakaimbak para sa agarang pamamahagi sa mga evacuees.
		
			
        












