-- Advertisements --

Umabot sa kabuuang 429 na pasahero ang naitala ng Philippine Coast Guard (PCG) na na-stranded sa iba’t ibang pantalan sa Central Visayas mula alas-4 ng madaling araw hanggang alas-8 kaninang umaga, dahil sa bagyong Basyang.

Ayon sa PCG, pansamantalang sinuspinde ang mga biyahe ng sasakyang-dagat bilang pag-iingat sa kaligtasan ng mga pasahero at tripulante.

Bukod sa mga pasahero, 292 rolling cargoes, 46 na sasakyang-dagat, at isang motorbanca ang naapektuhan ng kanselasyon ng biyahe.

Kabilang sa mga pantalan at anchorage areas na apektado sa rehiyon ay ang Polambato Pier, Carmen Port, Daanbantayan Pier, Hagnaya Port, Sitio Quasi, Samboan Port/Liloan Port, Tangil Wharf, Toledo City Port, Talisay City Anchorage, Pier 1, Pier 3, Naga Anchorage Area, at Labogon sa Mandaue.

Samantala, una nang nagbabala si weather specialist Ana Dumdum sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu na inaasahang magdadala ang bagyong Basyang ng mga panaka-nakang malalakas na pag-ulan at malalakas na hangin sa Cebu at sa iba pang bahagi ng Central Visayas.

Pinaalalahanan pa ni Dumdum ang publiko na maging mas maingat, lalo na ang mga nasa mga lugar na madaling bahain at mga landslide-prone areas, at lumikas kung kinakailangan.