-- Advertisements --

Isinagawa ngayong araw ng Kataas-taasang Hukuman ang panunumpa at ‘roll signing ceremony’ ng mga bagong abogado.

Sa seremonya, higit limang libo ang nanumpa bilang mga bagong abogado at lingkod ng saligang batas.

Partikular na ginanap ang naturang programa at En Banc ng Korte Suprema sa Philippine Arena, lalawigan ng Bulacan.

Alinsunod ang panunumpa at paglagda ng mga ito para maging bahagi ng Philippine Bar sa matagumpay na pagkakapasa ng 5,572 bar examinees nitong 2025.

Magugunitang ang naturang bilang ng mga pasado ay mula sa 11,425 nakakumpleto o examinees noong buwan ng Setyembre, taong 2025.

Katumbas ito ng halos kalahati ng kabuuan sa passing rate na 48.8% ng mga bar passers sa naganap na bar examinations.

Sa pahayag ni Associate Justice Amy Lazaro-Javier, Chairperson ng 2025 Bar Examinations, ibinahagi nitong 22 sa mga nakapasa ang bigong makadalo ng pisikal ngayong araw.

Dagdag pa niya’y, sa kauna-unahan pagkakataon ay pimahintulutan na makasama o makatabi sa upuan ng manunumpa o inductees ang kanilang mahal sa buhay.

Ayon kay Bar Mom Associate Justice Lazaro-Javier, ngayon lamang ito nangyari kung kaya’t kinailangan nilang isagawa ang seremonya sa isa sa mga pinakamalaking venue o arena.

Habang sa panunumpa ng mga bagong abogado, kanyang binigyang pagkilala ang mga ito at masayang binati sa kanilang pagdalo ngayong araw.

Mensahe niya na kung nais nilang maging mabuti sa propesyon, nararapat lamang na itakwil ang ideya na espesyal ang kanilang pagiging abogado bagkus hinimok sa pagkakaroon ng kababaang loob.