Tumangging magbigay ng komento si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaugnay ng dalawang reklamong impeachment na inihain laban kay Vice President Sara Duterte. Ayon sa Pangulo, hindi niya trabaho ang magbigay ng pahayag hinggil sa naturang usapin.
Ito ay kasunod ng kumpirmasyon ni House Secretary General Cheloy Garafil na nai-transmit na ng kanyang opisina ang dalawang impeachment complaints laban sa Pangalawang Pangulo sa Office of the Speaker para sa kaukulang aksiyon ng Kamara de Representantes.
Sa kabila nito, nagpahayag ng kumpiyansa ang Pangulo sa kakayahan ng Kamara na pangasiwaan ang kaso.
Aniya, tiwala siyang susundin ng mababang kapulungan ang itinakdang proseso at mga probisyon ng Konstitusyon sa paghawak ng naturang usapin.
“Hindi ko trabaho iyan. Trabaho iyan ng House. Pabayaan mo sila magtrabaho, I am sure they will do it properly. Let’s let them do their jobs,” pahayag ni Pang. Marcos.















