Inihayag ng International Criminal Court (ICC) na magtatalaga sila ng “common legal representatives” para sa mga biktima ng crimes against humanity na isinampa laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa dokumento ng ICC na may petsang Pebrero 4, 2026, ipinaalam ng Registry ng tribunal sa Pre-Trial Chamber I ang opisyal na pagtatalaga ng mga legal na kinatawan ng mga biktima.
Layunin nitong tiyakin ang representasyon ng lahat ng opisyal na kinilalang biktima sa pagdinig sa kaso.
Noong Enero 26, pinili ng Chamber sina human rights lawyers Joel Butuyan at Gilbert Andres bilang common legal counsels na magrerepresenta sa lahat ng kinilalang biktima na awtorisadong lumahok sa paglilitis.
Inaprubahan din ng ICC ang partisipasyon ng hindi bababa sa 29 na indibidwal, habang tinanggihan ang 10 iba pang aplikasyon na diumano’y labas sa saklaw ng panahon ng kasong inihain sa dating Pangulo.
Haharapin ni Duterte ang tatlong kaso ng crimes against humanity kaugnay ng umano’y pagpatay sa mga suspected drug users, peddlers, at mga bystander noong kanyang panahon bilang alkalde ng Davao City, bise alkalde, at bilang Pangulo ng Pilipinas.
Nakatakda naman ang kanyang confirmation of charges hearing sa Pebrero 23, 2026.















