-- Advertisements --

Magpapatupad ng mga road closures at zipper lane ang pamahalaang lungsod ng Quezon City simula Lunes ng gabi bilang paghahanda para sa “Trillion Peso March 3” na pinangunahan ng Caritas Philippines at iba pang civil society groups.

Magsisimula ang zipper lane sa White Plains Avenue mula Edsa hanggang Katipunan Avenue mula alas-9 ng gabi ng Pebrero 24 hanggang alas-6 ng umaga kinabukasan upang pamahalaan ang unang daloy ng mga kalahok.

Simula alas-6 ng umaga ng Pebrero 25, isasara nang tuluyan sa trapiko ang White Plains Avenue bilang paghahanda naman sa pangunahing rally na magsisimula alas-8 ng umaga.

Inaasahan ang matinding traffic sa Edsa, Katipunan Avenue, Ortigas Avenue, at Temple Drive, kaya’t magpapakalat ng mga tauhan mula sa Quezon City Police District (QCPD), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), at mga traffic units ng lungsod upang magbigay ng assistance.

Pinayuhan ng Quezon City Traffic and Transport Management Department (TTMD) ang publiko na gumamit ng alternatibong ruta at magplano ng kanilang biyahe nang maaga upang maiwasan ang inaasahang pagsisikip sa mga kalsada malapit sa monumento.