Tumaas pa ang mga kaso ng super flu sa Pilipinas.
Sa pinakabagong datos ng Department of Health (DOH) noong Disyembre 2025, tumaas ng 77 ang kaso ng influenza A o H3N2 subclade K, na tinatawag ding super flu, ang nadetect na sa buong bansa.
Kabilang ang mga kasong ito mula sa 326 cumulative influenza A infections na na-sequence mula Enero hanggang Nobiyembre ng nakalipas na taon.
Ang rehiyong may pinakamataas na bilang ng subclade K ay sa Metro Manila na nasa 23 cases, sinundan ng CALABARZON at Cordillera Administrative Region na may tig-16 na kaso.
Sa kabila nito, pinawi ng DOH ang pangamba ng publiko at sinabing hindi dapat ikaalarma ang pagtaas ng kaso ng superflu dahil karamihan naman sa mga pasyente na dinapuan ng sakit ay nakarekober na at walang napaulat na nasawi.
Paliwanag din ng DOH na ang super flu ay hindi isang bagong sakit at mayroong mga sintomas na kapareho ng karaniwang flu kabilang ng ubo, lagnat, sipon at pananakit ng katawan.
Samantala, nagbabala naman ang mga eksperto na mas agresibo ang super flu dahil sa mutation na maaaring humantong sa pagkamatay kabilang ang komplikasyon na makakaapekto sa puso at utak.
Hinihimok ng infectious disease expert na si Dr. Rontgene Solante ang publiko na magpabakuna ng updated flu vaccines para mapag-ibayo pa ang proteksiyion laban sa super flu.
Binigyang diin naman ng World Health Organization (WHO) na nananatiling epektibo ang pagbabakuna para maprotektahan ang sarili laban sa malalang sakit at mapigilan ang pagka-ospital.
















