Kinuwestiyon ng kampo ni Duterte ang lalim at katotohanan ng mga ebidensyang iprinisinta ng prosekusyon, partikular ang mga paratang na widespread or systematic ang serye ng mga pagpatay sa Davao City.
Sa pagdinig, mariing pinabulaanan ng defense counsel ang mga paratang, at ipinunto na ang inihahaing Count 1 ng kaso ay sumasaklaw lamang sa siyam na insidente ng pagpatay sa iisang lungsod.
Tinugunan din ng depensa ang mga naging pahayag ng kinatawan ng prosekusyon na si Ms. Robin Kraft, na nag-uugnay sa isang quarry site bilang isang umano’y mass grave.
Ayon sa depensa, nagkaroon ng sapat na panahon at pagkakataon ang mga awtoridad sa Pilipinas upang magsagawa ng malalimang imbestigasyon mula nang ibalik ang judicial warrant, ngunit wala umano itong ibinungang matibay na patunay.
Ayon sa kampo ng depensa, ang tanging nagamit na batayan ng prosekusyon sa nasabing isyu ay ang naging pahayag ni dating Senador Leila de Lima sa isang Senate Committee.
Patungkol ito sa pagkakatuklas ng ilang labi ng tao na posibleng pag-aari pa ng mga sundalong Hapones noong World War II, at hindi mula sa mga biktima ng umano’y extrajudicial killings.
Binatikos din ng abogado ang pahayag ng isa pang saksi na nagsabing may mga bangkay na itinapon sa karagatan ng Davao, na inilarawan ng depensa bilang isang outlandish assertion o kahina-hinalang paratang.
Iginiit ng depensa na kahit pa halukayin ang buong gulf, walang anumang ebidensya ang lumitaw na magpapatunay sa mga naturang alegasyon.















