Isinumite ng abogado ng nagpakilalang 18-dating sundalo ang kanilang mga sinumpaang salaysay sa Office of the Ombudsman ngayong araw.
Ito mismo ang ibinahagi ni Atty. Levi Baligod, tumatayong legal counsel para sa mga ito nang makapanayam matapos ang paghahain.
Aniya’y isinumite nila ang kopya ng pirmado at notaryadong affidavits ng mga dating sundalo, 2 dating konektado sa Philippine Army, habang 16 naman ang mga dating miyembro ng Philippine Marines.
Paliwanag ng abogado kung bakit dito sa Office of the Ombudsman nila isinumite ang mga salaysay ay dahil sa tanging tanod-bayan lamang raw ang maaring tumanggap ng kanilang dokumentong naglalaman ng mga alegasyon.
Paglilinaw naman niya na hindi reklamo o complaint ang kanilang isinumite sa Ombudsman kundi referral pa lamang.
Aniya’y idinulog nila ito sa tanod-bayan upang magkaroon ng ‘prima facie proof’ nagsasabing may nilabag sa batas ang mga pinararatangan opisyal ng pamahalaan.
Maari aniyang makita ng Ombudsman na may paglabag o violation sa Republic Act No. 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act, R.A. 6713 o ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, Malversation at Bribery.
Hindi na tinukoy o inilahad pa ng abogado kung sinu-sino ang mga opisyal na nais mapaimbestigahan sa Ombudsman.
Subalit aniya’y pinangalanan sa salaysay na isinumite ay 7 senador at 26 mga mambabatas o congressman.
Magugunitang una ng lumitaw at humarap sa publiko ang 18-nagpakilalang dating sundalo ukol sa umano’y pagdeliver ng male-maletang pera.
Kanilang sinegundahan ang mga rebelasyon ni Orly Guteza sa Senado sa pagpapadala ng milyun-milyong halaga ng pera sa bahay ng ilang matataas na opisyal ng pamahalaan.















