-- Advertisements --

Kinumpirma ng state media ng United Arab Emirates (UAE) na isang tao na ang nasawi sa Abu Dhabi, matapos gumanti ang Iran ng missile attack, nitong Sabado sa lahat ng Naval base ng Estados Unidos sa Gulf Arab states.

Hindi naman naglabas ng karagdagang detalye ang UAE ukol sa isang taong nasawi.

Sinabi ng mga awtoridad sa Kuwait, Qatar, UAE at Jordan na pawang may presensya ng militar ng U.S. na kanilang na-intercept ang mga missile bago pa man ito magdulot ng mas malaking pinsala.

Sa isang pahayag, inako ng Islamic Revolutionary Guard Corps (IRGC) ang pag-atake. Ayon dito, tinamaan umano ang mga “All occupied teritories” ng base militar ng U.S. sa rehiyon.

Samantala, kinumpirma ng Bahrain na binomba rin sila ng naturang grupo at tinamaan ang isang service center ng U.S. Fifth Fleet. Makikita sa mga kumalat na video ang makapal na usok malapit sa baybayin habang tumutunog ang malakas na sirens sa lugar.

Sa kabilang dako sa Abu Dhabi, naglabas na ng emergency alert ang mga awtoridad sa mga residente na magtungo sa pinakamalapit na ligtas na gusali at umiwas sa mga bintana dahil sa banta ng missile.

May mga ulat din ng kabilat kanang pag-lipad ng fighter jets sa ilang bahagi ng lungsod.

Sa Doha naman sinabi ng militar ng Qatar na naharang nila ang mga missile bago pa man makarating sa teritoryo nito matapos ang “joint coordination.”

Bagama’t naglabas ng babala ang Embahada ng U.S. sa Doha na manatili sa loob ng bahay, nagpapatuloy parin ang normal na aktibidad ng ilang residente doon.

Gayunman, nang maglabas ng shelter-in-place alert ang pamahalaan sa pamamagitan ng mobile phones, nabawasan ang tao sa mga lansangan at lumiit ang daloy ng trapiko.

Ayon sa Kuwaiti army, naharang at na-neutralize nila ang mga missile sa kanilang airspace, habang sinabi ng Jordan na nakapagpabagsak na ito ng dalawang Iranian ballistic missiles.

Dahil sa lumalalang tensyon, pansamantalang sinuspinde ng ilang international airlines ang kanilang mga flight sa ilang bahagi ng Middle East.

Batay sa datos ng flight-tracking data, halos walang komersyal na eroplano sa himpapawid ng Iran ang dumaraan.