TEL AVIV, ISRAEL — Kasalukuyang nakakaranas ng retaliatory attack ang Israel mula sa Iran kasunod ng inilunsad na joint attack ng Amerika at Israel ngayong Sabado, Pebrero 28.
Ito ang kinumpirma ni Bombo International News Correspondent (BINC) sa Israel na si Elvie Pregua. Nagsimula aniyang gumanti ng pag-atake ang Iran kaninang umaga.
Ayon kay Bombo International Correspondent Pregua, ilan sa mga lugar sa Israel na nakakaranas ng retaliatory attack ng Iran ay sa kabisera ng Tel Aviv, Haifa, sa largest city sa south Israel na Ashdod, at Jerusalem.
Bagamat hindi naman aniya kalakasan ang mga naitatalang pagsabog at kayang ma-intercept ng iron dome ng Israel ang mga pinapakawalang missiles ng Iran.
“Hindi masyadong malakas kasi hindi sila gumagamit ng drone eh. Ang pinakamalakas noong nakaraan na ginagamit nilang drone, yun ang pinaka-nakakatakot pag drone ang ginamit ng Iran,” kwento pa ni BINC Ervie.
Nakapaghanda naman aniya ang panig ng Israel sa pagganti ng Iran dahil bago pa man ilunsad ang joint attack laban sa Islamic country nagbabala na ang Israeli Defense Forces (IDF) sa kanilang mamamayan na mag-ingat at magtago sa bomb shelter sa oras na makatanggap ng alerto kaugnay sa paparating na missiles.
Ayon pa kay Bombo Int’l Correspondent Elvie, oras-oras silang nakakatanggap ng emergency alert.
















