Naglunsad ang Israel ng mga panibagong pag-atake sa Lebanon at Iran sa ikapitong araw o isang linggo ng digmaan sa Middle East.
Kinumpirma ng Israeli Defense Forces (IDF) ngayong Biyernes, Marso 6 na naglunsad sila ng malawakang serye ng strikes sa kabisera ng Lebanon na Beirut sa nakalipas na magdamag target ang sites ng Hezbollah.
Kabilang dito ang command centers at multi-story buildings sa kabisera gayundin sa pasilidad kung saan nakaimbak ang drones ng militanteng grupo, na ginagamit para sa kanilang terror attacks sa mga tropa at estado ng Israel.
Ayon sa IDF, nasa 26 na serye na ng strikes ang kanilang inilunsad sa Dahiyeh area ng Lebanon, suburb sa timog ng Beirut na karamihan ng naninirahan dito ay Shia Muslim.
Ikinokonsidera rin ng Israel ang naturang suburb bilang kuta ng Hezbollah. Nagbunga naman ng panibagong takot at panic nang i-anunsiyo ng Israeli military ang paglikas sa halos lahat ng mga nasa southern Beirut.
Bunsod nito, tumaas pa ang death toll mula sa mga paga-atake ng Israel sa Lebanon ngayong linggo sa 123 katao habang 683 ang sugatan, base sa datos mula sa Lebanese Ministry of Public Health.
Panibagong mga pagsabog naman ang naitala sa kabisera ng Tehran kung saan base sa ulat ng state media, tinamaan ang isang shopping street ilang oras matapos i-anunsiyo ng Israel na naglunsad sila ng malawakang serye ng mga pag-atake sa Iran.
Base sa ulat mula sa Iranian state media, pumalo na sa 1,045 ang bilang ng nasawi sa Iran mula nang maglunsad ng joint attack ang Israel at Amerika.
















