-- Advertisements --

Muling nagsagawa ng mga pag-atake ang militar ng Israel sa katimugang bahagi ng Lebanon, ayon sa state media ng bansa.

Nangyari ito sa kabila ng panawagan ni U.S. President Donald Trump na maging mahinahon ang Israel laban sa Lebanon.

Ayon sa report, ilang katao na ang nasugatan matapos tamaan ng drone strikes ang mga lugar ng Mansouri at Aaziyyeh.

Naglunsad din umano ng airstrike ang mga fighter jet ng Israel sa Nabatieh al-Fawqa at Kfar Tebnit.

Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang Israeli military tungkol sa mga panibagong pag-atake. Gayunpaman, sinabi ng Israeli military na limang sundalo nila ang nasugatan matapos umatake ang grupo ng Hezbollah gamit din ang mga drone.

Samantala, sinabi ng Pakistan, na nagsilbing tagapamagitan sa Estados Unidos at Iran, na kasama rin ang Lebanon sa kasunduang naglalayong wakasan ang tensyon sa Gitnang Silangan.

Noong Martes, sinabi ni Trump na dapat maging responsable si Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu pagdating sa sitwasyon sa Lebanon.

Sa kanyang pagdalo sa G7 Summit, sinabi rin ni Trump na matagal nang nakikipaglaban ang Israel sa Hezbollah at marami nang buhay ang naaapektuhan dahil sa patuloy na karahasan.

Sa kabila ng kasunduang inanunsyo noong Linggo sa pagitan ng Estados Unidos at Iran, patuloy pa ring nagsasagawa ng mga pag-atake ang Israel at Hezbollah laban sa isa’t isa.

Bago mabuo ang kasunduan, nagsagawa rin ang Israel ng airstrike sa kabisera ng Lebanon na Beirut bilang tugon sa rocket attack na inilunsad umano ng Hezbollah.

Bagama’t sinabi ni Trump na maganda ang kanyang relasyon kay Netanyahu, inamin niyang hindi siya sang-ayon sa ilan sa mga naging pag-atake ng Israel at naniniwalang sumobra ang mga ito.

Samantala, iginiit ni Netanyahu na mananatili ang mga pwersa ng Israel sa Lebanon hangga’t kinakailangan.

Nagbabala naman ang pinakamataas na lider-militar ng Iran na maaaring humarap ang Israel sa “harsh response” kung hindi nito titigilan ang mga pag-atake sa katimugang bahagi ng Lebanon.