Muling nagpahayag ng matinding pagkadismaya si US President Donald Trump matapos siyang hindi gawaran ng prestihiyosong Nobel Peace Prize, kung saan tinawag niya itong isang kahiya-hiyang desisyon na nag-iwan diumano ng “indelible stain” sa bansang Norway.
Hayagang binatikos ni Trump ang Norwegian Nobel Committee at iginiit na ang naturang pagbalewala sa kaniya ay nagdudulot ng pinsala sa reputasyon ng Norway, na siyang nagho-host sa komite ng parangal.
Gayunpaman, ipinaliwanag ng mga dalubhasa na ang Nobel Peace Prize ay itinatakda ng isang independiyenteng komite at hindi ng pamahalaan ng Norway, kaya hindi maaaring isisi sa buong bansa ang naging desisyon nito.
Paulit-ulit na iginiit ni Trump na nararapat niyang matanggap ang parangal dahil sa kaniyang naging papel sa walong hidwaan sa daigdig, ngunit ayon sa mga siyentipiko at tagamasid, mababa talaga ang kaniyang tsansa dahil sa kaniyang pakikipagsangkot sa iba’t ibang umiiral na giyera at geopolitikal na tensyon.














